share this: facebook Pa sample lang: Sa Kanyang Paglisan

Thursday, June 10, 2010

 

Sa Kanyang Paglisan

Sunday, January 31, 2010 at 9:02am

Sabi nila maikli lang ang buhay, at ang bawat araw na imulat natin ang ating mga mata, ibig sabihin, ay isang araw ng bagong biyaya.
Umiikot ang mundo, para sa akin, para sa ating lahat. Pero paano sa mga taong minamahal natin na nauna nang lumisan? Na nawalan na ng pagkakataon na makaranas ng maraming pagbabago sa hinaharap?
Tayo na naiwanan na makakaramdam ng malaking pagkawala, sa isang malalim na puwang na iniwan ng isang taong pinaghatian ng mga pangako sa isa't-isa, ng tuwa, ng luha, ng pag-ibig, at ng sanlaksang pag-asa; paano tayo hahakbang ng matuwid, gaya ng dati? Parang nawalan ng balanse, ng isang makabuluhang panimbang ang parte ng buhay natin sa ganang di inaasahang paglisan ng mahal sa buhay...
Luluha tayo, magtatanong sa ating sarili, ano ba ang gustong iparating ng Panginoong Maykapal sa atin, kung bakit ipinahintulot niya ang ganitong trahedya. Maghahanap tayo ng makakapitan para man lang makahanap ng pang ibsan sa hapdi ng pagkawala ng ating mahal. Marubdob tayong magdarasal para sa kapayapaan ng pag-iisip, at masigasig na hahanap ng paraan upang mapanatiling maalab ang alaala ng lumisan sa ating mga puso.
Titingin tayo sa ating paligid, at makikita ang dagat ng tao, at sa kanilang mga mata ay maaninag natin na nakikidalamhati at nakikiramay din sila sa atin. Mararamdaman natin, na hindi lang pala tayo ang nawalan, na hindi lang pala tayo ang lubhang nalungkot. Kasama din sila.
At saka lang natin mapagtatanto na makakabangon din pala tayo, sapagkat marami ang handang tumulong, at mas malapit lang pala ang Diyos kaysa sa inaasahan.
Kahit ba hindi natin maiwaksi ng buong-buo ang sakit, at kahit pa hindi ito mapag hihilom ng matagal na panahon, ibig sabihin lamang na ang bumigkis sa atin ay pag-ibig sa lumisan. Ipagpapalit mo ba ito? Hindi, dahil babaunin natin ang damdaming ito, hanggang sa tayo na rin ay lumisan.

Para kay Tey, at sa kanyang Pamilya

Comments: Post a Comment



<< Home

This page is powered by Blogger. Isn't yours?

share this: facebook